Basura sa Korea — Seryoso Ito, Hindi Biro


 

Isang sanaysay tungkol sa waste segregation at isang hindi malilimutang fried chicken

May isang karanasan ako na hanggang ngayon ay hindi ko malilimutan — at kahit nakakatawa na ito ngayon sa aking pag-alala, noong nangyari iyon, talagang nanginig ang aking mga kamay. May isang Pinay na tumawag sa akin noon, nagpapaliwanag na birthday ng kanyang asawa at humingi ng tulong — kung maaari raw bang bumili ako ng fried chicken at iba pang pagkain para sa kanila. Buong pusong ginawa ko naman. Wala akong inisip na mali. Para naman akong tumulong sa isang kababayan.

Pero ilang araw pagkatapos, tumatawag ang city hall. May multa daw ako. Ang dahilan — ang balat at buto ng manok na aking binili ay hindi nakalagay sa green food waste bag. At paano nila nalaman na ako ang bumili? Simple lang — ang resibo na nakadikit sa packaging ay may nakalagay na aking phone number at credit card information. Nahuli ako ng sistema — ng isang resibo. Agad akong nagpaliwanag na hindi ako ang kumain, na inutusan lamang ako. Ngunit ang sagot ng opisyal ay malinaw at walang kompromiso — kailangan raw ipabalik ang mga basura, ilagay nang tama sa green bag, at itapon nang maayos. Kung hindi, ang multa ay maabot pa raw ang isang milyong won. Isang milyong won. Hindi ko makalimutan ang numerong iyon.

"Nahuli ako ng sistema — ng isang resibo. Doon ko naunawaan na sa Korea, ang basura ay sineseryoso nila hanggang sa pinakamaliit na detalye."

Doon ko naunawaan nang lubos kung gaano kaseryoso ang waste segregation dito sa Korea. Hindi ito basta kaugalian — ito ay batas. Ang bawat uri ng basura ay may sariling lalagyan at kulay ng plastic bag. Ang food waste ay dapat nasa green bag. Ang general garbage ay nasa yellow o white na designated garbage bag — at ang kulay ng bag ay depende pa sa city, kaya kung lilipat ka ng ibang lungsod, kailangan mo pa ring matuto ulit. Ang papel ay papel lang, ang mga kahon ay hiwalay, ang bote ay hiwalay, ang lata at metal ay may sariling tapunan. Walang pwedeng isama-sama.

May isang pagkakataon pa na tumawag sa akin ang aming jumincenter — ang opisina ng aming barangay, kung baga. Humingi sila ng tulong sa translation sa English, at ang memo na iyon ay ikinabit sa bawat pintuan ng mga nangungupahan, lalo na ang mga dayuhan. Nakalagay doon ang lahat ng panuntunan — kung paano mag-segregate, kung anong oras dapat ilabas ang basura, at ang pinakamahalaga: dapat itapon ang basura bago mag-sunset para mapick up ng garbage truck kinabukasan ng umaga. Kahit isang gabi lang na late, problem na iyon.

Pero hindi lang ang pang-araw-araw na basura ang may mahigpit na patakaran. Pati ang malalaking gamit tulad ng mga lumang appliances, sofa, ref, washing machine, at iba pang mabibigat na kagamitan — may espesyal na proseso para doon na hindi dapat balewalain. Una sa lahat, kailangan mong bumili ng sticker sa jumincenter bago mo itapon ang anumang malaking gamit. Ang sticker na iyon ang nagpapatunay na nag-comply ka sa tamang proseso — at iyon ang dapat idikit sa iyong itatapong kagamitan bago dalhin sa tamang lugar. Walang sticker, walang kalayaang itapon.

At para sa mga nakakakita ng mga gamit na nakatambak sa labas — huwag maging padalos-dalos. Hindi lahat ng bagay na nakatambak ay libre na kunin. May mga lugar na allowed ang mag-dampot, at may mga lugar na hindi. Kung may nagbabantay o may taga-bantay sa lugar, ang tamang gawin ay lapitan, magpaalam, at tanungin kung maaari mong kunin ang bagay. Ang simpleng "excuse me, pwede ko bang dalhin ito?" ay makakaiwas sa iyo sa malaking problema. Dahil kung mahuli kang nagkuha ng hindi dapat, o nagtatpon nang mali habang may CCTV na nagmamasid — hindi lang multa ang maaaring kaharapin mo. Maaaring may case pa iyon. Talagang case.

Bukod sa lahat ng ito, may isa pang bagay na gusto ko sa sistema ng Korea — ang kanilang mga designated area para sa mga damit, muwebles, at iba pang gamit na hindi na ginagamit ngunit maaari pa ring gamitin ng iba. Hindi basta itinatambak — may tamang lugar para doon, at madalas ay may ibang tao na kumukuha ng mga ito para magamit ulit. Hindi nasasayang ang mga bagay. Para sa akin, maganda iyon — may pagpapahalaga sa kung ano pa ang maaaring mapakinabangan ng iba.

Kung sasabihin ko sa inyo ang aking honest na opinyon — oo, mahigpit ang sistema ng Korea pagdating sa basura, at minsan ay nakakapagod pag-isipan. Pero gusto ko ito. Gusto ko ang kalinisan ng mga kalye, gusto ko ang disiplina na nararamdaman sa bawat barangay, at gusto ko ang ideya na ang bawat isa ay may responsibilidad sa kalikasan. Sa mahigit dalawampung taon ko dito, iyon ang isa sa mga bagay na talagang nagpabago ng aking pananaw — na ang maliit na pagsunod sa tamang pagtitipon ng basura ay bahagi ng isang mas malaking pagmamahal sa pamayanan at sa kapaligiran.

Comments

Popular posts from this blog

Gabay sa EPS (Employment Permit System): Ano ang Benefits at Bagong Pasahod ngayong 2026?

Guide sa Seasonal Worker Program: Updated 2026 Reality

Gabay sa Special Voluntary Departure Program 2026